Bukas ang AFP o Armed Forces of the Philippines sa inisyatiba ng ilang pribadong sektor at lokal na pamahalaan na mag-alok ng pabuya para sa ikapupulbos ng mga NPA o New People’s Army sa mga lalawigan ng Negros.
Ayon kay AFP Spokesman Brig/Gen. Restituto Padilla, hindi sa kanila nagmula ang ideya ng reward system dahil sa wala namang pondo ang hukbong sandatahan para rito.
Mismong ang lokal na pamahalaan at mga pribadong indibiduwal aniya ang nag-alok ng nasabing pabuya upang matigil na ang pangingikil, pang-aabuso, pamemerhuwisyo at pambubulabog ng mga rebelde.
Kasunod nito, naniniwala ang AFP na malaki ang magagawa ng reward system para mapadali ang pag-aresto at paglipol sa mga rebeldeng namemeste at umaasa siyang susunod din ang iba pang lokal na pamahalaan upang matapos na ang problema ng insureksyon sa kanilang lugar.