Mahigit walumpu’t apat na libong motorista ang naabala matapos magkaaberya ang Radio Frequency Identification (RFID) ng ilang expressway.
Kabilang sa mga naapektuhan ang mga dumaraan sa northbound lane ng South Luzon Expressway (SLEX); maging sa NAIA Expressway (NAIAX); Skyway at Star tollways.
Halos walang galawan ang mga sasakyan mula Filinvest hanggang Bicutan habang ang ilang motorista, nadoble ang oras sa biyahe matapos maipit sa matinding daloy ng trapiko.
Dahil dito, inangat na muna ang mga barrier at pansamantalang hindi naningil ng toll ang SLEX habang inayos ang problema.
Napag-alaman na nasira ang fiber optic cables ng RFID system kaya’t nagdulot ito ng matinding pagbigat ng daloy ng trapiko sa ilang bahagi ng mga nasabing expressway kahapon ng umaga.
Humingi na ng paumanhin ang toll regulatory board sa mga naabalang motorista.
Tiniyak din ni TRB Spokesman Julius Corpus na iniimibestigahan na nila ang nasabing insidente at aalamin kung anong mga parusa o multang maaaring ipataw sa toll operator na San Miguel Corporation.
Samantala, pasado ala una naman ng hapon nang naibalik sa normal ang operasyon ng expressways.