Masisimulan na ng Malacañang ang full implementation ng Reproductive Health Program ng gobyerno sa kabila ng matinding pagtutol ng ilang grupo.
Sinabi ni National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Ernesto Pernia, napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order para ipatupad ang RH Law.
Ilang taon na aniyang natengga ang batas dahil sa mga inihaing petisyon sa korte ng mga pro-life group subalit panahon para ipatupad ito.
Binigyang-diin ni Pernia na hindi anti-life ang RH Law kundi pro-women dahil napapangalagaan ang kalusugan ng mga ina at mababawasan din ang mataas na bilang ng teenage pregnancy.
Bukod dito, sinabi rin ni Pernia na hindi anti-poor ang RH Law dahil hindi makararanas ng kahirapan ang isang pamilya kung konti ang anak.
Matatandaang iginiit ng Pangulo sa kanyang unang SONA noong nakaraang taon ang full implementation ng RH Law, na may layuning maitaguyod ang responsible parenthood at reproductive health para mabawasan ang kahirapan at mapalaganap ang paglago ng ekonomiya ng bansa.
By: Avee Devierte / Aileen Taliping / Race Perez