Inaasahang higit sa pitong milyong pamilya o 28 milyong Pilipino sa buong bansa ang matutulungan ng Bagong Pilipinas Community Assistance and Rice Discount (CARD) program, ang bagong rice discount voucher program ng administrasyong Marcos.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, strong response ang naturang rice subsidy program sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Kongreso na gumawa ng paraan upang mapababa ang presyo ng bigas para sa mga Pilipino.
Hangad ng Bagong Pilipinas CARD program na makatulong sa mga nangangailangang Pilipino sa pamamagitan ng direktang pagbibigay ng discount vouchers.
Recalibration ang rice discount voucher program na ito ng Cash and Rice Distribution (CARD) program na inilunsad noong November 5, 2023. Matatandaang naiulat na mapakikinabangan ang naunang programa ng 2.5 million Filipinos. Ayon kay House Speaker Romualdez, mas sustainable at mas maraming makikinabang sa bagong rice subsidy program.
Ipapatupad ito sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng 2024 national budget.
Layunin ng Bagong Pilipinas CARD program na makapagbigay ng discount vouchers sa mga benepisyaryo upang makabili sila ng hanggang 25 kilong mura at magandang klase ng bigas. Gagamit dito ng modernong teknolohiya para sa mas mabisang voucher distribution, tracking, at validation.
Para kay House Speaker Romualdez, ipinapakita ng Bagong Pilipinas CARD program na ginagawa ng administrasyon ni Pangulong Marcos ang lahat upang pababain ang presyo ng bigas para sa mga Pilipino.