Inilunsad na sa isang barangay sa Tanza, Cavite ang rice for mosquito program.
Sa ilalim ng programa, bibigyan ng isang kilong bigas ang mga makahuhuli o makakapatay ng isang platong lamok sa barangay Sanja Mayor.
Layunin nitong matugunan ang dumaraming kaso ng dengue sa bayan na kasalukuyang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa outbreak ng nasabing sakit.
Ayon kay Barangay Chairman Peter Aricayos, kailangan gumamit ang mga residente ng plastik na plato na papahiran ng mantika o langis at i-wawasiwas o ihahampas sa makikitang lamok.
Wala naman anyang itinakdang bilang kung ilang lamok ang kailangang dumikit sa plato.
Nasa sampung kabang bigas ang inilaan ng barangay para sa naturang programa na magtatagal hanggang Setyembre a – trenta.
Puspusan din ang malawakang paglilinis sa lgu ng Tanza upang puksain ang mga posibleng pinamumugaran ng lamok.
Tinatayang P8 million naman ang inilabas na pondo mula sa quick response program ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Fund bilang tugon sa dengue outbreak.