Mas talamak ang rice smuggling sa ilalim ng administrasyong Aquino kumpara noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ito’y matapos lumabas sa United Nations o UN Comtrade report na 700,000 metric tons ng smuggled na bigas ang nakapasok sa Pilipinas noong nakaraang taon.
Lumitaw din sa datos ng UN na mula 2010 hanggang 2014 ay umabot sa mahigit 2.7 million metric tons ng smuggled rice ang nakapasok din sa bansa.
Mas mataas ito sa mahigit 1.6 million metric tons na naitala sa panahon ni dating Pangulong Arroyo.
Pero, sa panayam ng DWIZ, isinisisi ito ni Committee on Agriculture and Food Chair at Senator Cynthia Villar sa pagbibigay ng National Food Authority o NFA ng import permits sa pribadong sektor.
“Lahat ng importation government to government na lang, yan po ang nanggaling na recommendation sa Bureau of Customs, halimbawa lahat ng private, confiscated na yun kasi smuggling yun. Kasi pag nagbigay sila ng import permit sa private doon sila nagpapalaki ng apportion, halimbawa ang import permit eh 12,000 metric tons, mag-iimport sila ng 24,000 tapos ilulusot nila yun sa Customs under the guide nung import permit nila.” Pahayag ni Villar.
NFA
Tiniyak ng National Food Authority (NFA) na wala na silang kumpanyang binibigyan ng import permit para sa private importation ng bigas na konektado sa umano’y rice smuggler na si David Bangayan.
Ayon kay NFA Administrator Renan Dalisay, mahigpit ang tagubilin sa kanya para pigilan at bantayan ang mga nakasuhan na sa rice smuggling.
Taliwas naman ito sa ginawang pagsabon ni Senate Committee on Agriculture Chairperson Cynthia Villar sa NFA dahil sa umano’y hindi pagsunod ng ahensya sa panukalang government to government rice importation at patuloy na pagbibigay ng import permit sa pribadong sektor.
Dismayado din si Dalisay sa Department of Justice sa patuloy na di pagsasampa ng kaso kay Bangayan.
“Nasisigurado ko po yun dahil isa po ito sa mga iniutos sa akin noong ako’y itinalaga, pigilan po itong smuggling at bantayan po kung itong mga nakasuhan na ay nakakabalik pa or nakaka-smuggle pa rin ng bigas, kasama po tayo ni Senator Villar sa pagkadismaya doon, 3 taon na hindi pa rin nakakasuhan.” Pahayag ni Dalisay.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Mariboy Ysibido | Balitang Todong Lakas