Pera na lamang sa halip na bigas ang ipamamahagi ng pamahalaan para sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4P’s para sa susunod na taon.
Ito’y ayon kay Senate President Pro Tempore Franklin Drilon makaraang magkasundo ang mga economic managers ng administrasyon.
Ayon kay Drilon, maganda’t naisip pamahalaan na mas praktikal na gawing pera na lamang ang rice subsidy para sa mga benepisyaryo dahil mas mapakikinabangan nila iyon.
Kung susumahin aniya, aabot sa P600 ang kada 20 sako ng NFA rice na nagkakahalaga ng P32.50 ang kada kilo.
Dahil dito, magiging P2,000 na ang matatanggap ng bawat benepisyaryo mula sa kasalukuyang P1,400.
Rice importation
Samantala, nasungkit ng Thailand ang pagiging lowest bidder para sa pag-aangkat ng 100 metriko toneladang bigas ng National Food Authority o NFA.
Ayon kay NFA Deputy Administrator at Bids and Awards Committee Chair Ludovico Jarina, aabot lamang sa mahigit 424 US dollars kasa metriko toneladang bigas ang bid ng Thailand.
Mas mababa ito kumpara sa 425 US dollars kada metriko toneladang bigas na bid ng Vietnam na para lamang sa 250,000 metriko toneladang bigas.
Sa ilalim ng terms of reference para sa public bidding, sinabi ni Jarina na maaaring tapatan ng isang bidder ang pinakamababang bid price para makuha ang nais nitong suplay.
Ang pag-aangkat ng bigas ng NFA ay bilang tugon na rin sa pagdaragdag ng suplay ng bigas sa bansa upang maiwasan ang kakapusan nito ngayong lean months o panahon kung kailan kakaunting magsasaka ang mga nagtatanim ng palay.
By Jaymark Dagala | Cely Bueno (Patrol 19) | Monchet Laraño