Aprubado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang Revised Agricultural Tariffication Act na layuning tanggalin ang quantitative restrictions sa rice imports sa pamamagitan ng pag-alis sa volume limit nang inaangkat na bigas.
Ang House Bill 7735 na i-nisponsoran ni ANAC-IP Party-list Representative Jose Panganiban, Chairman ng House Committee on Agriculture and Food ay pinaboran ng mga kapwa kongresista sa pamamagitan ng viva voce voting sa plenaryo.
Kabilang ang nabanggit na panukala sa mga tinukoy ng mga economic manager nina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Gloria Arroyo na hakbang upang maibsan ang epekto ng inflation o tumataas na presyo ng mga bilihin.
Sa ilalim ng panukalang batas, ang National Food Authority o NFA ang may awtorisasyon sa direct rice importation upang matiyak ang food security at mapanatiling sapat ang buffer stock at kapangyarihan na mag-issue ng import permits at guidelines para sa rice at corn importation.
Noon lamang Hulyo, umabot sa 5.7 percent ang inflation rate batay sa datos ng Philippine Statistics Authority at isa sa pinaka-apektado ang bigas.
—-