Lusot na sa plenaryo sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 7753 o ang rice tariffication bill na priority measure ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa botong 200 yes, 7 no at 2 abstain ay inaprubahan na sa Kamara ang panukalang magpapaluwag sa rice importation na tatapatan naman ng taripa.
Sa ilalim ng panukala ay inaalis ang limit sa importasyon ng bigas at ipinauubaya ang rice importation sa pribadong sektor pero may katapat na taripa.
Itinatakda ng panukala ang taripa na 35% sa aangkating bigas sa mga bansang magmumula sa ASEAN habang 40% naman na taripa kung ang import na bigas ay mula sa mga bansang hindi kasapi sa ASEAN.
Pinapayagan pa rin naman ang National Food Authority na mag-angkat ng bigas pero para lamang ito sa pagtiyak ng food security at pag-maintain ng buffer stock na sapat para sa 15 araw.
Lilikha din ng rice competitiveness enhancement fund mula sa duties na makokolekta sa pag-a-angkat ng bigas.