Kumpiyansa ang isang mambabatas na malaki ang maitutulong sa mga Pilipino ng napagtibay na rice tariffication bill.
Ayon kay Cong. Alfredo Garbin, mas mapapalago na umano ngayon ang pagtatanim ng palay sa bansa dahil sa malaking pondo na inilaan dito na aabot sa P10-billion annual fund na gagamitin bilang subsidiya sa itatatag na Rice Competitiveness Enhancement Fund RCEF o special rice buffer fund.
Hindi naman aniya ititigil, bagkus ipagpapatuloy parin ang pagbili ng palay ng National Food Authority o NFA sa pamamagitan ng “buy high, sell low” policy na nangangahulugang bibilhin ang palay sa mataas na presyo at ibebenta naman ang bigas sa mga pampublikong pamilihan sa mas mababang halaga.
Giit ng Kongresista, walang dapat na ikabahala ang publiko dahil gagawin lahat ng pamahalaan ang lahat upang hindi mapabayaan ang mga pangangailangan ng mga magsasaka sa bansa.
Una nang napaulat na ilan sa mga grupo ang mariing tumututol sa pagsasabatas ng rice tarrification dahil sa malalaking negosyante lamang umano ang makikinabang sa bagong batas habang lalo namang malulugmok sa kahirapan ang mga magsasaka.