Nanindigan ang Department of Agriculture (DA) na masyado pang maaga para husgahan ang rice tariffication law.
Ito ay matapos dumulog sa Kongreso ang grupo ng mga magsasaka na ipawalang bisa na ang naturang batas.
Ayon kay DA Spokesperson Assistant Secretary Noel Reyes, nanawagan sila na bigyan muna ng isang taon ang rice tariffication law para makita ang mga pagbabago o amyendang gagawin hinggil dito.
Paliwanag pa nito, kailangan ng bansa ang batas para palakasin ang rice industry at ‘birth pains’ lang umano ang nararanasan sa ngayon.
Kailangang-kailangan po natin ‘yan para palakasin mismo ang rice industry natin, ito pong nararamdaman natin ay ‘birth pains’ po ‘yan, ang batas ay isinagawa lamang noong Marso, tapos gumawa ng implementing rules and regulations, at no’ng Hunyo lang ipinatupad,” ani Reyes.
Dagdag pa ni Reyes, ang naturang batas ay para sa liberalisasyon ng industriya at para gawing mas competitive umano ang mga magsasaka sa bansa.
Ang rice tariffication law, ang pinaka-heart and soul niyan ay para maging competitive ang rice farmers natin,” ani Reyes. — sa panayam ng Balitang Todong Lakas