Posibleng sa susunod na linggo ay makabili na ng commercial rice na nagkakahalaga ng tatlumpu’t walong piso (P38) ang kilo sa pamilihan.
Ayon Rosendo So, Chairman ng SINAG o Samahang Industriya ng Agrikultura, tig-100,000 sako ng bigas ang commitment ng rice traders mula Isabela at Nueva Ecija na ibebenta nila ng mas mura sa rice retailers upang maibenta sa merkado sa halagang tatlumpu’t walong piso (P38) kada kilo.
Sinabi ni So na inaasahang ganito rin ang gagawin ng iba pang rice traders na dumalo sa pulong kasama ang Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, aminado si So na posibleng hindi kasing ganda ng pinakamurang commercial rice ngayon na 42 pesos per kilo ang maibebenta nila ng mas mura sa rice retailers.
Puwede aniyang hindi masyadong maputi dahil isang beses lang pinadaan sa gilingan at mas marami ang durog.
Ipinaliwanag ni So na posibleng maibalik sa P38 ang presyo ng magandang kalidad ng bigas kung babalik sa P17 ang bilihin ng palay mula sa kasalukuyang P20 hanggang P22 kada kilo ng tuyong palay.
Una rito ay nagkasundo ang grupo ng mga trader at retailer na bahagyang ibaba ang presyo ng commercial rice.
Kasunod ito ng napaulat na pagtataas ng presyo ng commercial rice dahil sa pagkaubos naman ng suplay ng NFA rice.
Ayon samahan ng mga trader, miller at retailer, hindi sila nanamantala sa pagtaas ng presyo ng commercial rice dahil mataas din ang presyo ng palay mula sa mga local farmer.
Samantala, pinabulaanan ng grupo ang naging pahayag ni Cabinet Secretary Leoncio Evasco Jr. na plano nilang mag-imbak sa bigas.
Anila, malaki ang kanilang puhunan kaya mas nanaisin nilang agad na mabenta ang mga bigas para sila ay kumita.
—-