Bumuhos ang mga papuri at positibong komento para sa rider ng isang ride-hailing service na si Jester Carillo.
Hindi niya kasi sinisingil ng pamasahe ang kanyang mga pasaherong estudyante!
Ito ang ibinahagi sa social media ng isang college student na nakaranas sa kabutihan ng rider.
Ayon kay Aira Artugue na noo’y freshman student, hindi tinanggap ni Jester ang kanyang bayad na P91 para sa kanyang biyahe patungo sa kanyang paaralan sa Centro Escolar University sa Legazpi Village, Makati.
Pinilit ni Aira na iabot ang kanyang pamasahe at sa halip na kunin ito, humingi pa ng tawad ang rider dahil hindi talaga siya tumatanggap ng bayad mula sa mga estudyante.
Mas naantig pa si Aira at ang mga netizen sa iniwang mensahe ni Jester na nagsabing, “Mag-aral po kayo mabuti at sa ibang tao niyo na lang po ibalik ang kabutihan na naranasan ninyo sa akin. God bless you.”
Dahil sa kagandahang-loob at pagmamalasakit ng rider, maraming netizen ang patuloy na humahanga sa kanya. Marami rin ang nagsabing hindi man siya Olympic athlete, ngunit ang puso niya ay tunay na ginto.
Para naman kay Aira, dapat gawing inspirasyon ang mga katulad ni Jester upang maging isang marangal at mabuting tao.