Aakyat na sa senado ang panukalang mandatory National ID System makaraang pumasa ito sa 3rd and final reading sa mababang kapulungan ng kongreso.
Gayunman, kumbinsido si Kabataan Partylist Representative Terry Ridon na hindi ito mabibigyang prayoridad ng senado at maging ng Malacañang.
“Hindi naman po yan talaga yung mga pinaka-malalimang reporma na dapat pong pagtuunan ng pansin ng gobyerno sa kasalukuyan, maraming administrasyon na po ang pinagdaanan ng National ID System at tingin ko po ay hindi po dapat yan bahagi ng mga pina-prioritize ng ating bansa.” Ani Ridon.
Ayon kay Ridon, tutol sila sa panukala dahil obligado ang lahat ng mamamayan ng Pilipinas na ibunyag sa pamahalaan ang lahat ng impormasyon tungkol sa kanilang mga sarili.
Ibig sabihin, pagkasilang pa lamang aniya ng isang tao ay kailangan na na itong kunan ng National ID.
Hindi rin aniya libre ang National ID kaya’t siguradong tubong lugaw dito ang gobyerno.
Sa ilalim ng House Bill 5060, lilikha ang pamahalaan ng Filipino Identification System para pag-isahin ang lahat ng ID na galing sa gobyerno tulad ng sa SSS, GSIS, Pag-IBIG, Philhealth at iba pa.
“Sa totoo lang, tubong lugaw po sila diyan, 100 million Filipinos inside the country are mandated to get the ID, talagang malaking pera ang pinag-uusapan natin, there is no excuse not to get your ID and divulge your personal information, ang pinaka-concern natin diyan ay your information can most definitely be used by the government for maybe intelligence gathering or other purposes at yun ang nais nating protektahan.” Pahayag ni Ridon.
By Len Aguirre | Ratsada Balita