Nagbababala ang Riles Network sa pagdating sa bansa ng mga bagong bagon ng tren sa buwan ng Agosto para sa Metro Rail Transit (MRT).
Ayon kay Sammy Malunes ng Riles Network, dapat malaman ng sambayanan na ang mga darating na tren ay for testing pa lamang at kung compatible ito sa mga riles ng MRT o Light Rail Transit (LRT).
Posible aniyang iligaw na naman ng gobyerno ang mga mananakay ng MRT at LRT na masosolusyonan na sa Agosto ang problema sa kakulangan ng tren at palaging pagkasira ng mga ito.
Dapat aniyang linawin ng gobyerno sa taongbayan na kapag natapos ang testing sa mga tren na darating sa Agosto, saka pa lamang magsisimula ang maramihang produksyon ng tren sa napiling kumpanya ng DOTC sa China.
“So kung may darating sa August, tandaan po natin na hindi po ‘yan for commercial purpose na kaagad, ‘yan ay prototype na titignan pa kung compatible sa ating signalling system, nasa testing period pa lang po ‘yan, based dun sa contract doon pa lang magsisimula ng massive manugacturing.” Ani Malunes.
Taunang budget
Kinuwestyon ng Riles Network kung saan dinadala ng management ng MRT at LRT ang taunang budget para sa pagkumpuni ng mga sirang tren.
Ayon kay Sammy Malunes ng Riles Network, batay sa mga datos walang problema sa funding ang MRT at LRT pagdating sa pagpapakumpuni ng tren subalit hanggang ngayon ay pawang aberya pa rin ang inaabot ng mga tren.
Kasabay nito ay binatikos ni Malunes ang bagong ticketing system ng LRT Line 2 na aniya’y inuuna pa kumpara sa mas mahalagang bagay tulad ng pagkumpuni ng mga tren.
“Mukhang hindi naman nagkukulang sa budget, katunayan underspending ang LRT at MRT, taun-taon eh may budget ‘yan, ang tanong po natin saan dinadala ‘yang budget na ‘yan?” Dagdag ni Malunes.
By Len Aguirre | Ratsada Balita