Sumiklab ang isang riot sa loob ng Quezon City Jail sa pagitan ng Batang City Jail at Bahala na Gang kaninang alas-3:30 ng madaling araw.
Ayon kay Quezon City Jail Warden Superintendent Ermilito Moral, nagsimula ang gulo matapos na maaksidenteng matapunan ng natabig na isang tubig ang ibang mga natutulog na inmates dahil sa pagmamadali na idulog sa bantay ang isang binabangungot na preso.
Aniya, nagkaroon ng sigawan at batuhan ng mga kahoy at upuan ang mga miyembro ng Batang City Jail at Bahala na Gang dahilan para pasukin na ng pwersa ng QCPD-Swat at BJMP Special Tactics Response Team ang kulungan para pahupain ang gulo.
Dagdag ni Moral, matapos ang riot ay kanyang ipinatawag sa isang pulong ang mga mayores at lider ng dalawang nasabing grupo para tapusin ang hindi pagkakaunawaan.
Sa ngayon ay payapa na sa loob ng Quezon City Jail at wala namang preso ang naiulat na lubhang nasugatan sa nangyaring riot.
—-