NAMAYAGPAG ang Riper-Sabong On Air tandem sa JP Dragon 6-Cock Derby sa New Antipolo Coliseum sa Antipolo City nitong weekend.
Kumamada ng limang puntos ang combined entry nina Richard Perez at Ka Rex Cayanong na Riper/Sabong On Air.
Dahil dito, nasungkit nila ang korona sa event na nilahukan ng mga kilala at bigating breeder o sabungero.
Sinasabing naging dahilan din ito upang lalo pang humanga sa mga binitawan nilang manok ang bayang sabungero.
Aabot sa P3.7 milyon ang guaranteed prize sa pa-derby at hosted ni JP Dragon kung saan malaking tagumpay din ito hindi lang sa mga kampeon kundi maging sa mga runner-up, handler, at gaffer.
Humakot ng P2 milyon ang kampeon; P150,000 sa first runner-up; P300,000 sa 2nd runner-up; P400,000 sa 3rd runner-up; P700,000 (4th runner-up), at P100,000, at P50,000 naman sa handler at gaffer.
Ang Malolos BTC, Wild Creek J-Lo na pag-aari nina Boyet Cruz at JV Lopez ang unang pinadapa ng Riper/Sabong On Air bago dinispatsa ang Digama Waste na pambato ni Robert Gaza.
Pinakain din ng alikabok ng mga alaga nina Perez at Cayanong ang ClearCut ni Madlam Bayan Bros, gayundin ang VRV Gallman ni Vincent Violago Manalansan, at ang Lady Dragon ni Jimboy Jimenez.
Labis ang pasasalamat ng dalawa kina Boy Royo (handler) at Arvin Putot (gaffer) na naging bahagi rin ng kanilang panalo.
Ayon kina Cayanong at Perez, ang tagumpay nila ay bunga ng matagal nilang pagtitiyaga sa paghahanda ng mga panlaban nilang manok hanggang sa pagsabak nila sa aktuwal na bakbakan.