Nakatakdang magsumite ng Motion for Reconsideration sa Lunes sa Commission on Elections (COMELEC) En Banc si presidential aspirant Rizalito David matapos ideklarang nuisance candidate ng COMELEC.
Si David ang naghain ng disqualification case laban kay Sen. Grace Poe sa Senate Electoral Tribunal (SET).
Ayon kay David, hindi malinaw ang basehan na ginagamit ng COMELEC sa pagdedeklara sa isang kandidato bilang nuisance candidate.
Napaka-discriminatory aniya ng basehan na ginagamit ng COMELEC para sabihin sa isang kandidato na siya ay walang kapasidad dahil mahirap lamang kahit na may sapat na kakayahan at karanasan para maglingkod sa bayan.
“Paano mo ba titimplahin yung kapasidad na pinansiyal ng isang tao? Kailangan ba siyang hingan ng bank account? Napaka-discriminatory, ang puwede lang tumakbo ay mga taong may pera.” Ani David.
Nuisance
Una rito, idineklara ng Commission on Elections Second Division si presidential aspirant Rizalito David bilang isang nuisance candidate.
Kinansela ng 2nd Division ang certificate of candidacy ni David para sa 2016 national elections dahil sa kawalan ng intensyon upang tumakbo sa pagka-pangulo.
Kumbinsido rin ang poll body na walang kapasidad si David na magpondo ng nationwide campaign.
Bagaman tinukoy ng idiniskwalipikang kandidato na siya ang standard bearer ng Kapatiran Partylist, itinanggi naman ito ng pangulo ng partido na si Norman Cabrera.
Nilinaw ni Cabrera na wala silang kandidato o sinusuportahang pambato sa pagka-pangulo.
By Mariboy Ysibido | Balitang Todong Lakas | Drew Nacino | Aya Yupangco (Patrol 5)