Binatikos ng Families of Road victims and Survivors ang road sharing program sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Kaugnay ito sa paglalaan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Bayanihan sa Daan Movement at Quezon City Government ng walong (8) lane sa Commonwealth Avenue sa iba’t ibang uri ng traveler mula alas-6:00 ng umaga hanggang alas-6:00 ng gabi.
Ang lanes 1, 2 at 3 na malapit sa Center Island ay inilaan sa pribadong sasakyan at nakareserba naman sa mga motorsiklo ang ika-apat na lane samantalang ang fifth lane ay para sa mga bus at jeep.
Ang 6th lane naman ay magsisilbing unloading zone para sa mga bus, unloading zone para sa jeep ang 7th lane at para sa bicycle riders ang 8th lane.
Ayon kay Erwin Paala, Pangulo ng grupo, malalagay lamang sa alanganin ang buhay ng mga siklista at pedestrian ang road sharing scheme.
Sinabi pa ni Paala na ang Commonwealth Avenue ay itinuturing na ikalawa sa pinakadelikadong lansangan sa bansa.
Binigyang diin naman ni Antonio Oposa ng Bayanihan sa Daan na ang nasabing programa ay para sa kaligtasan ng mga siklista at pedestrian dahil babaguhin aniya nila kung paano ginagamit ang kalsada na ginawa hindi para sa sasakyan lamang.
Ipinabatid pa ni Oposa na isang porsyento lamang ng populasyon ang mayroong pribadong sasakyan.
Noong isang buwan ipinatupad ng kilusan ang naturang scheme sa Roxas Boulevard.
By Judith Larino