Isang kakaibang innovation ang ginawa ng mga miyembro ng Faculty of Engineering sa University Of Santo Tomas.
Ito ay ang pagpapakilala sa isang robot na malaki ang maitutulong sa mga ospital.
Kung paano ito nagsimula, alamin.
Muling sinubok ang Pilipinas nang tuluyang pumutok ang COVID-19 pandemic sa Pilipinas noong taong 2020, kaparehong panahon kung kailan nagsimulang i-develop ng project team leader na si Anthony James Bautista at ng kaniyang team ang robot na si Lisa.
Ang pangalang Lisa ay hango sa Logistics Indoor Service Assistant.
May kakayahang itong humalili sa mga healthcare worker sa pamamagitan ng pagbibigay ng minor assistance katulad ng paghahatid ng mga kagamitan kabilang na ang medical supplies, mga dokumento, at may kakayahan din na magsagawa ng remote consultation sa mga pasyente sa pamamagitan ng tablet na nakakabit dito.
Bukod pa riyan, gumagamit din ito ng Lidar sensor na siyang dahilan para matukoy ng robot ang mga direksyon at pasilidad na binabaybay niya sa loob ng ospital.
Ayon kay Dr. Bautista, ginawa nila ang robot para magsilbi itong means of communication sa mga doktor at mga pasyente, ngunit nabago ito at naging alinsunod na sa pangangailangan ng mga ospital.
Samantala, sa tulong ng pondo mula sa Department of Science and Technology-Philippine Council for Health and Research Development, naging posible at matagumpay ang nasabing proyekto.
Ikaw, may naiisip ka rin bang bagong innovation na makakatulong sa mga manggagawang Pilipino?