Magkahalo ang reaksyon ni Vice President Leni Robredo sa desisyon ng Korte Suprema na ipalabas ang committee report hinggil sa resulta ng recount sa inihaing electoral protest ni dating senador Bongbong Marcos.
Ayon kay Robredo, tiwala siyang maipakikita sa resulta ng initial recount na dapat nang ibasura ang nabanggit na electoral protest.
Gayunman, kanya pa rin aniyang ikinadismaya na hindi pa tuluyang naibasura ang protesta.
Iginiit ni Robredo, batay sa isinasaad ng rule 65 ng Presidential Electoral Tribunal o PET, kinakailangang makakuha ng solidong bilang ng boto ang naghain mula sa tatlong pilot provinces para maipagpatuloy ang electoral protest.