Malaki umano ang tiyansa na manalo si Camarines Sur Representative Leni Robredo sa Vice Presidential race sa 2016.
Ayon kay Speaker Feliciano “Sonny” Belmonte Jr., tiyak na mag-i-stand out si Robredo dahil nag-iisa lamang itong babae sa hanay ng mga Vice Presidential candidates.
Bukod kay Robredo, kabilang sa mga nagdeklara nang tatakbo sa pagkabise-presidente sina Senador Chiz Escudero, Bongbong Marcos, Antonio Trillanes at Allan Peter Cayetano.
‘Not a threat’ sa Poe-Chiz tandem
Samantala, hindi banta ayon kay Senator Grace Poe sa kandidatura ng kanyang ka-tandem na si Sen. Chiz Escudero ang pagdeklara ni Camarines Sur Rep. Leni Robredo bilang bise presidente ni LP standard bearer Mar Roxas.
Sinabi ni Poe na masaya siya na napagdesisyunan ng kapwa niya babaeng si Cong. Robredo na makibahagi sa darating na halalan dahil naniniwala aniya siya na ang mga kababaihan ay importante sa lipunan.
Bagama’t parehong Bicolano ang kanilang bise presidente ni Roxas positibo niya itong tinitingnan.
Ayon pa sa senador, patunay lamang ito na magagaling na lider ang mga Bicolano lalo pa’t dito rin nanggaling ang yumaong si Sen. Raul Roco at dating Interior Sec. Jesse Robredo.
Una nang naghayag ng pangamba ang ilang political analyst maging ang mga Bicolano na mahahati ang boto ng mga taga-Bicol region dahil sa pagkandidato ng mga opisyal na pawang mula sa rehiyon.
By Meann Tanbio | Mariboy Ysibido