Nakumpleto na ni Vice President Leni Robredo ang Step 2 ng registration para sa Philippine Identification System (PhilSys).
Ito, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ay ginawa ni Robredo sa Magarao, Camarines Sur, isa sa mga napiling munisipalidad sa 32 priority provinces para sa PhilSys registration.
Bahagi ng Step 2 registration ang biometric data ng nagpaparehistro tulad ng fingerprints, iris scans at front facing photograph.
Ipinabatid ng PSA na natapos ni Robredo ang proseso sa loob lamang ng 12 minuto ng walang anumang naging problema sa teknikal matapos pumila kasama ang iba pang magpaparehistro.
Ayon sa PSA, nagsimula noong Enero ang Step 2 registration at tuluy-tuloy ang pag-roll out nito nang unti-unti sa mga priority provinces at hanggang nitong nakalipas na ika-30 ng Abril ay nasa mahigit 6-milyong registrants na ang nakakumpleto sa Step 2 registration.