Sinibak na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang Co-chairman ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) si Vice President Leni Robredo.
Ito ang kapwa kinumpirma nila Executive Secretary Salvador Medialdea at Presidential spokesman Atty. Salvador Panelo na kasalukuyang nasa South Korea.
Sinabi ni Panelo, 4 na dahilan ang inilatag umano ng Pangulo kaya sinibak nito si Robredo bilang co-chair ng ICAD:
Una ay ang pakikipag-usap ni Robredo sa mga kinatawan mula sa Amerika at United Nations na siyang dahilan kaya’t hindi ito pinagkakatiwalaan ng Pangulo.
Ikalawa ay ang paglilinaw ni Robredo sa saklaw ng kaniyang kapangyarihan na ayon kay Panelo ay nakasaad naman na sa Executive Order na lumilikha sa ICAD.
Kung nais umano ni Robredo ng karagdagang kapangyarihan, sinabi ni Panelo na dapat personal itong hiningi ng bise-Presidente sa Pangulo ng bansa.
Ikatlo, sinabi ni Panelo na pinagbigyan ng Pangulo ang hirit ng numero unong tagasuporta ni Robredo na si Sen. Francis Pangilinan na sibakin na sa puwesto ang Pangalawang Pangulo.
At panghuli, sinabi ni Panelo na batay sa mga pahayag mismo ni Robredo, tila hinihiling nito sa Pangulo na sibakin na lang siya sa puwesto kung hindi naman siya kayang pagtiwalaan nito.—ulat mula kay Jopel Pelenio (Patrol 17)