Tinanggap na ni Vice President Leni Robredo ang alok ni Pangulong Rodrigo Duterte na maging co-chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD).
Sa pulong-balitaan mismo ng Bise Pangulo, sinabi nito na handa siyang makiisa sa Administrasyong Duterte kaugnay sa makontrobersiyal na giyera kontra ilegal na droga ng pamahalaan.
Handa akong tiisin ang lahat ng ito dahil kung meron akong maililigtas na kahit na isang inosenteng buhay, ang sinasabi ng prinsipyo ko ay kailangan ko itong subukan,” ani Robredo.
Ipinabatid din ni Robredo ang kanyang kagustuhang tulungan ang Pangulong Duterte sa nalalabing dalawa at kalahating taon nito sa panunungkulan.
Mr. President, 2.5 taon na lang ang naiiwan sa administrasyon. Hindi pa huli ang lahat, pwede pa nating pagtulungan ito,” ani Robredo.
Samantala, magugunitang ipinahayag ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino sa DWIZ, na naguguluhan siya kaugnay sa naturang pagtatalaga kay Robredo.
Kung ibabatay kasi aniya sa pahayag ng Pangulong Duterte, nais nyang ibalik sa gabinete ang pangalawang pangulo bilang ‘drug czar’, ngunit hindi naman aniya cabinet position ang pagiging pinuno ng ICAD dahil ang tanging trabaho nito ay makipag-ugnayan sa 45 ahensya ng pamahalaan na miyembro ng komite.
Gayunman, sinabi ni Aquino na –bagay ibigay na responsibilidad kay Robredo ang adbokasiya na isinusulong ng ICAD dahil naaayon ito sa kanyang mga ibinigay na kritisismo sa ‘drug war’ ng administrasyon.
Magugunita ring sinabi ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac sa DWIZ, na suportado ng PNP ang hakbang na ito ng pangulo.
Hindi rin aniya hadlang pagiging babae ni Robredo upang pangunahan ang kampanya kontra ilegal na droga sa bansa.
Hindi rin nabigo ang PNP sa kanilang inaasahan na tatanggapin ng pangalawang pangulo ang pagkakatalaga sa kanya bilang drug czar.
Taliwas naman sa inaasahan dahil din una nang tinawag na ‘problematic’ at kaduda-duda ng kampo ni Robredo pagkakatalaga sa kaniya bilang co-chairperson ng ICAD, ay matapang namang tinanggap ni Robredo ang una’y tila hamon ng Pangulong Duterte sa kanya kaugnay sa giyera kontra ilegal na droga.
ICYMI: Pulong-balitaan ni Vice President Leni Robredo kaugnay sa kanyang pagkakatalaga bilang co-chairman ng Inter-agency Committee on Anti-illegal Drugs (ICAD) https://t.co/wSDVbpbaHo pic.twitter.com/Hr1hFj7i9V
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) November 6, 2019