Muling tiniyak ni Vice President Leni Robredo na kaniya nang ilalabas ang naudlot na ulat sa bayan ngayong buwan o sa Enero ng susunod na taon.
Ito’ ang inihayag ni Robredo bilang tugon sa naging patutsada ni Presidential spokesman Salvador Panelo na wala talagang maipakitang ulat si Robredo kaya hindi nito itinuloy ang nasabing hakbang.
Sa nabanggit na ulat sa bayan ni Robredo, una nang sinabi ng pangalawang pangulo na kaniyang ihahayag ang kaniyang mga nalaman sa nagpapatuloy na war on drugs ng administrasyon.
Magugunitang hindi itinuloy kamakailan ni Robredo ang kaniyang ulat sa bayan upang bigyang daan ang paghahanda at pagkilos ng pamahalaan sa pananalasa ng bagyong Tisoy sa bansa.
Kaya’t payo ni Robredo kay Panelo, mag-relax lang dahil tanging rekumendasyon lang para mapabuti ang kampaniya kontra droga ang lalamanin ng kaniyang magiging ulat sa bayan.