Umapela ngayon si Vice President Leni Robredo sa publiko na baguhin na ang tingin sa ‘Oplan Tokhang’ ng pamahalaan na tila hindi giyera kontra droga kundi giyera kontra sa mga mahihirap.
Iyan ang inihayag ni Robredo kasunod ng naging pagpupulong ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) kahapon.
Iminungkahi ni Robredo sa ICAD ang pag buo ng bagong anti–drug campaign na ipapalit sa oplan tokhang dahil aniya nabalot na ng walang saysay na patayan.
Bagama’t kinikilala naman ni Robredo ang mga tagumpay ng war on drugs, iginiit nito na kailangang nakabatay ang drug war sa mga solidong ebidensya gayundin ay masagip ang buhay ng mga inosenteng sibilyan.
Kabilang sa mga naging tagumpay ng drug war ay ang pagkakasabat ng P1.5M halaga ng marijuana sa QC at P9M halaga ng shabu na nakumpiska sa Cebu.
Kasunod nito, iginiit ni Robredo na dapat nang kilalanin ng lahat ang problema sa iligal na droga ay isang problemang medikal at panlipunan.—ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9).