Naghahanap lamang umano ng atensiyon si Vice President Leni Robredo.
Ito ang inihayag ng Malakanyang matapos magpatawag ng press conference ng Pangalawang Pangulo para i-anunsyo ang pasiyang ipagpaliban ang palalabas nito ng report hinggil sa kampanya kontra iligal na droga ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sa kanyang palagay ay wala talagang maipakitang report sa publiko si VP Robredo.
Iginiit ni Panelo, dapat din aniyang inilabas ng Pangalawang Pangulo ang report noong co-chair pa ito ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Tinawag ding kalokohan ni Panelo ang pahayag ni Atty. Barry Gutierrez, tigapagsalita ni VP Robredo na kawalan ng pang-unawa at awa ng mga opisyal ng malakanyang sa mga biktima ng lindol sa Davao Del Sur.
Una nang kinansela ni VP Robredo ang pagpapalabas ng report hinggil sa war on drugs para bigyang daan ang pamamahagi ng ayuda sa mga biktima ng lindol.