Magandang balita ang bubungad sa mga motorista lalo na sa mga jeepney drivers sa pagpasok ng linggong ito.
Magpapatupad kasi ng rollback o tapyas presyo sa kanilang mga produkto ang mga kumpanya ng langis matapos ang limang sunud-sunod na taas presyo nito.
Ayon sa source ng DWIZ sa industriya ng langis, maglalaro mula P0.20 hanggang P0.30 ang rollback sa kada litro ng gasoline.
Mas malaki naman ang ibabawas sa presyo ng kada litro ng diesel na maglalaro mula P0.50 hanggang P0.70.
Habang nasa P0.30 hanggang P0.40 naman ang magiging rollback sa kada litro ng kerosene.
Ang panibagong rollback na ito ay bunsod pa rin ng galaw ng presyuhan ng krudo sa pandaigdigang pamilihan.
By Jaymark Dagala