Inilarga na ng mga kumpaniya ng langis ang bawas presyo sa kanilang mga produktong petrolyo.
Batay sa ulat, kaninang alas 12:00 ng hating gabi nagsimulang ipatupad ng Eastern Petroleum at SEAOIL ang 55 sentimos na bawas sa halaga ng diesel.
Tatlumput limang sentimos naman ang tapyas sa presyo ng gasolina habang 1.20 para sa kerosene o gaas.
Ipatutupad naman mamayang ala 6:00 ng Pilipinas Shell, Petron, PTT, Flying V, Phoenix Petroleum, Unioil, Jetti at Total ang kahalintulad na bawas presyo.
Ayon sa Department of Energy (DOE), ang naturang pagbaba ng halaga ng langis sa bansa ay bunsod ng patuloy na malikot na galaw ng halaga ng mga produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Ito ang kauna-unahang rollback sa presyo ng langis ngayong buwan matapos ang tatlong sunud-sunod na linggo ng oil price increase.