Nakatakdang makipagpulong ang Department of Trade and Industry o DTI sa mga negosyante darating na Biyernes, Enero 22.
Ito’y para pag-usapan sa National Price Monitoring Council ang hirit na rollback sa suggested retail price (SRP) ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay DTI Secretary Adrian Cristobal, napapanahon na ito lalo’t sunud-sunod ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigan at lokal na pamilihan.
Batay aniya sa datos ng Department of Energy (DOE), umabot na sa 25 percent ang net retail price ng langis partikular na ng diesel at posibleng bumaba pa ito sa mga susunod na linggo.
Binigyang diin pa ng kalihim na dahil dito, tiyak na makatitipid na ang mga negosyante sa kanilang transportation cost kaya’t dapat na itong maramdaman ng mga consumer.
Not in favor
Umalma naman ang Federation of Philippine Industries sa hirit ng Department of Trade and Industry na tapyasan na ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Ayon kay FPI President Jess Aranza, malabo aniyang mangyari ito dahil sa hindi pa rin naman nagbababa ng singil ang mga truckers at shipping lines na nagdadala ng bultu-bultong produkto.
Batay sa kuwenta ng DTI, dapat may bawas na sa presyo ng sardinas, gatas, kape, instant noodles, corned beef at semento.
Kaugnay nito, nakatakda ring kausapin ng DTI ang Department of Agriculture (DA) dahil kailangan ding maramdaman ng mga mamimili ang pagbaba ng presyo ng langis sa pamamagitan ng pagtatapyas sa presyo naman ng baboy, manok, isda at iba pang fresh-produced products.
By Jaymark Dagala