Sisimulan ng Department of Agriculture o DA ngayong araw, Marso 5 ang paglilibot kada linggo sa ilang lugar sa Metro Manila para magbenta ng mga murang bigas.
Ito ay bilang bahagi ng inilunsad na programa ng ahensya na rolling tien-DA na may layuning maghatid ng mga murang bigas sa mga mahihirap na lugar sa Metro Manila.
Ayon kay Agriculture Undersecretary for Agri Business and Marketing Bernadette Romulo-Puyat, nakatakdang magtungo ng Payatas Quezon City ang isang truck na may dalang mga aning bigas mula sa Luzon mamayang alas-8:00 ng umaga.
Ibebenta ang mga nasabing bigas sa halagang P38 kada kilo na ka-pack na sa tig-dalawang kilo, limang kilo at sampung kilo.
Bukod sa bigas magtitinda rin ang rolling tien-DA ng mga gulay galing Cordillera Region at mga isda mula sa mga palaisdaan sa Luzon.
Una nang nagtinda ng murang bigas ang DA noong February 14 sa harap mismo ng kanilang tanggapan.
—-