Sumampa na sa 22 ang bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng Bagyong Rolly sa bansa.
Ito ay ayon sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ngayong Biyernes, habang 165 naman ang injured at tatlo pa ang nawawala.
Naitala naman ang mga nasawi mula sa Bicol Region, CALABARZON at sa MIMAROPA.
Samantala, nasa 128 lungsod at munisipalidad naman mula sa Region V, VIII, CALABARZON at MIMAROPA ang wala pa ring suplay ng kuryente.
Problema pa rin naman ang suplay naman ng tubig mula sa 85 lungsod at munisipalidad sa Region V at MIMAROPA.
Dagdag pa rito, batay din sa tala ng NDRRMC, pumalo na sa P11,228,895,685.78 ang halaga ng pinsalang idinulot ng Bagyong Rolly sa mga imprastraktura sa Region I, II, III, CALABARZON, MIMAROPA, V, VIII, CAR at sa National Capital Region.
Habang umabot na rin sa P2,924,837,533 ang halaga naman ng mga pananim, livestock at fisheries na nasalanta sa CALABARZON, MIMAROPA, Region V, VIII pati na sa NCR.
Sa kasalukuyan, umaabot na sa halos P53-milyon ang halaga ng ayuda na naipamahagi ng pamahalaan sa mga biktima ng pananalasa ng Bagyong Rolly.