Arestado ang isang lalaki sa isang checkpoint sa Sta. Maria, Bulacan makaraang mahuling nagbibiyahe ng rolyo-rolyong mga sinturon ni Hudas.
Depensa ng lalaki na kinilalang si Bienito Mabansag, nautusan lamang siyang ibiyahe ang mga naturang paputok pero huli na nang malaman niyang wala pala itong kaukulang permit.
Pero ayon sa Sta. Maria PNP, maliban sa walang permit para ibiyahe ang mga naturang paputok, lumabas na hindi rin pala lisensyado ang manufacturer ng mga nakumpiskang paputok.
Dahil dito mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 7183 o Anti-Firecrakers Act si Mabansag bukod pa sa paglabag din sa Executive Order Number 28 na inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa ilalim ng nasabing kautusan, hindi man ipinagbabawal ang paggawa at pagbebenta ng paputok na hindi lalagpas sa 3/4 teaspoon, hindi naman ito maaaring sindihan sa mga bakuran o kalsada sa halip tanging sa mga designated community fireworks area na tinukoy ng lokal na pamahalaan.
—-