Hawak na ng La Union Provincial Police ang dating driver at bodyguard ni Senator Leila de Lima na si Ronnie Dayan.
Ayon sa report, boluntaryong sumuko si Dayan ngayong alas-11:30 ng umaga sa Sitio Turod, Barangay San Felipe sa San Juan, La Union.
Matatandaang nagtago si Dayan at hindi na nakita sa tirahan nito sa Urbiztondo, Pangasinan mula nang isiwalat ni Pangulong Duterte na lover umano ito ni De Lima at may kaugnayan sa illegal drug trade sa New Bilibid Prison (NBP).
Una nang nagpalabas ng arrest warrant laban kay Dayan matapos na bigong humarap ito sa House inquiry kaugnay sa iligal na kalakaran sa loob ng Bilibid.
Nakatakda namang dalhin si Dayan sa Metro Manila at ipipresenta sa media ni PNP Chief Ronald dela Rosa ngayong alas-4:00 ng hapon.
Malacañang ikinalugod ang pagkakadakip kay Dayan
Ikinalugod ng Malacañang ang pagkakaaresto ng mga otoridad sa dating driver/bodyguard ni Senador Leila de Lima na si Ronnie Dayan.
Sinabi ni Presidential Communications Assistant Secretary Anna Marie Banaag na ang pagkaaresto kay Dayan ay magiging susi para matukoy ang katotohanan sa pagkalat ng illegal na droga sa New Bilibid Prison.
Magiging daan din aniya ito para maparusahan ang mga mapatutunayang nagkasala at responsable sa illegal drug operations.
Idinagdag pa ni Banaag na umaasa ang palasyo na ang mga bagong developments na ito sa kampanya sa droga ay maging daan para maisalba ang susunod na henerasyon at maging drug free society.
By: Meann Tanbio / Aileen Taliping / Jonathan Andal