Hindi kumbinsido si Atty. Harry Roque, legal counsel ng pamilya Laude, sa naging hatol ng Olongapo City Regional Trial Court Branch 74 kay US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Ayon kay Roque, malinaw naman na murder ang dapat na hatol sa halip na homicide kay Pemberton gayong lumabas sa ebidensya kung paano pinatay ang biktimang si Jennifer Laude.
Iginiit din ni Roque na hindi sapat ang 6 hanggang 12 taong pagkakakulong kay Pemberton lalo’t mabigat ang naging kaso nito.
Sa kabila nito, nagpapasalamat pa rin aniya sila sa conviction kay Pemberton.
“So itong conviction for homicide ay ito ang kauna-unahang conviction laban sa mga sundalong Amerikano bagamat hindi naman ito yung unang Pilipinong napatay nila, napakaraming Pilipino ang napatay at hindi nga sila na-convict, so ito’y panalo pa rin.” Pahayag ni Roque.
Samantala, emosyonal na humarap sa media si Julita Laude, ina ng pinaslang na transgender na si Jeffrey ‘Jennifer’ Laude matapos ibaba ng Olongapo City RTC Branch 74 ang hatol sa akusadong si US Marine, Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Aminado si Aling Julita na bagaman mayroon silang kaunting pagkadismaya sa desisyon ng korte, sulit naman anya ang kanilang pagod upang makamtan ang katarungan para kay Jennifer.
Gayunman, nangangamba si Ginang Laude na posibleng makalabas pa rin si Pemberton ng piitan lalo’t dapat pang ayusin ang issue kung sa Pilipinas o Amerika mapupunta ang kustodiya sa akusado.
By Drew Nacino | Ratsada Balita