Walang interes si Presidential Spokesperson Harry Roque na pamunuan ang Philippine Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito ang iginiit ni Roque sa gitna ng patuloy na patutsadahan sa pagitan nila ni PhilHealth President Ricardo Morales dahil sa usapin ng panukalang ipagpaliban ang implementasyon Ng Universal Health Care law.
Ayon kay Roque, hindi siya interesado sa puwesto ni Morales dahil maituturing na demotion o pagbaba sa ranggo kung maitatalaga siya bilang PhilHealth president.
Magugunitang, hinamon ni Roque si Morales na bumaba sa puwesto kung hindi nito maipatutupad ang universal health care law na sinertipakahan aniyang urgent ni Pangulong Rodrigo Duterte noon.
Inakusahan din ni Roque si Morales sa umano’y pagkakasangkot sa kurapsyon sa PhilHealth.
Una rito, iminumungkahi ni Morales ang pagpapaliban sa implementasyon ng Universal Health Care law dahil sa nanganganib na pagkaubos ng pondo ng PhilHealth bunsod ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.