Sinagot ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang mga patutsada sa kanyang pahayag patungol sa ‘vacation’ o pagpapahinga ng bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Sa isang pahayag, sinabi ni Roque na ang gusto niya iparating sa pahayag na halos isang taon nang nakabasyon ang bansa ay tumutukoy sa hindi pag-usad ng trabaho ng ‘workforce’ ng bansa.
Paliwanag pa nito, dahil sa masamang epekto ng pandemya pinadapa nito ang ilang mga negosyo at kabuhayan dahilan para bumagsak din ang paggalaw ng ekonomiya.
Hindi naman po talaga bakasyon ‘yan, kung hindi, hindi nakapagtatrabaho, kaya ngayon na pupuwede na po tayong makapagtrabaho sana dahil nagbubukas na tayo ng ekonomiya, hayaan naman nating kumita at makapagtrabaho ang ating mga kababayan,” ani Roque.
Mababatid kasi na inanunsyo ng Palasyo na working days na ang ika-2 ng Nobyembre, ika-24 at 31 ng Disyembre na dati’y walang pasok bilang pagbibigay-daan sa paggunita sa mga naturang holidays.
Sa huli, binigyang diin ni Roque na wala siyang masamang intensyon sa naturang pahayag.
Anito, ang gusto lang niyang ipabatid sa publiko na ang naturang hakbang ng pangulo na isailalim sa working days ang mga dating holidays ay para muling makabawi ang ating ekonomiya sang-ayon sa mga economic managers.