Ibinasura ni Presidential Spokesman Harry Roque ang panawagan ng National Union of Journalists in the Philippines (NUJP) na humingi sya ng paumanhin sa reporter ng CNN Philippines na hiniya nya sa publiko.
Matatandaan na galit na sinita ni Roque ang reporter na si Triciah Terada sa ulat nito na sinabi di umano ng kalihim na bahala na ang pribadong sektor na magsagawa ng mass testing.
Sa press briefing kung saan sinita ni Roque si Terada, hindi nito binigyan ng pagkakataon ang reporter na makapagpaliwanag.
Ayon kay Rouqe, wala syang anumang pagkakautang sa NUJP at baka ang organisasyon pa anya ang may utang sa kanya dahil minsan na syang may ginawa para sa mga ito.
Pinanindigan ni Roque na maling quote ang ginamit ni Terada sa kanyang istorya kaya’t na-bash sya sa social media.
Una nang pinanindigan ng CNN Philippines ang istorya ni Terada at nakalulungkot anila na hindi nabigyan ng pagkakataon ang kanilang reporter na idepensa ito sa publiko.