Dismayado si Presidential Spokesperson Harry Roque sa ilang opisyales mula sa University of the Philippines – Diliman makaraang tutulan ang kanyang pagkakapasok sa isang International Law Commission (ILC).
Una nang naglabas ng maaanghang na banat ang UP – Diliman Executive Committee at iginiit na hindi dapat makakuha ng pwesto sa ILC si Roque dahil sa “poor track record” nito sa pagtatanggol sa karapatang pantao sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, rumesbak si Roque sa pagsasabing malinaw umanong may ilang sektor na gagawin ang lahat madungisan lang ang kanyang pangalan at integridad dahil salungkat siya sa kanilang paniniwala.
Nanindigan ang Palace official na pawang kasinungalingan ang akusasyon habang hinamon din niya ang kumite na patunayang wala siyang magandang track record.
Si Roque ay 15 taong nagturo ng constitutional law at public international law sa UP College of Law bago italaga ni Pangulong Duterte bilang tagapagsalita.—sa panulat ni Drew Nacino