Ikinakasa na ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque ang kasong malversation laban sa ilang dati at kasalukuyang opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ito’y bunsod na rin ng talamak na pandaraya umano sa pagkuha ng mga claim o pondo, maging ang pag-apruba sa mga kuwestyunableng ospital dahil sa hindi tamang gawi ng mga ito.
Sa panayam ng DWIZ kay Roque, sinabi nito na gagawin niyang pro-bono o libre ang pagsasampa ng kaso kung mabibigyan siya ni PhilHealth President Ricardo Morales ng listahan ng mga tiwaling dati at kasalukuyang opisyal ng ahensya.
Ako na po ang magsasampa, hindi ko na po aantayin ang Senado kasi alam niyo wala namang nangyari. Alam niyo po, nung 2015 nag-imbestiga na ang senado. Alam na natin lahat ng kababalaghan, inulit na naman noong ako’y congressman, 2017 wala rin nangyari. Ngayon nag-iimbestiga na naman, wala rin mangyayari. Ang kailangan talaga kasuhan at ikulong nang ibalik ang takot sa puso at isipan ng mga corrupt dIyan sa PhilHealth,” ani Roque.
Magugunitang si Roque ang tumayong legal counsel ng mga whistleblowers sa maanomalyang ghost dialysis claims sa PhilHealth.
Kasunod nito, pinag-aaralan na rin ni Roque ang paghahain ng kasong plunder laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng PhilHeatlh makaraang mabunyag sa pagdinig ng Senado kamakailan ang umano’y mafia o sindikato sa loob nito.
Malversation po yan at titingnan natin kung aabot hanggang 50 billion para maging plunder pero ang pinaka mababa po diyan ay malversation sa public fund. Corruption po ‘yan hindi yan tapa lamang,” ani Roque.