Hinimok ng Malakanyang ang Simbahang Katolika na magsumite ng rekomendasyon sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ng mga posibleng paraan kung paano maipatutupad ang physical distancing sa mga misa.
Kasunod na rin ito ng natanggap na batikos ng ipinalabas ng guidelines ng IATF hinggil sa pagsasagawa ng mass gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng modified ECQ at GCQ.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, makabubuting makipag-ugnayan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa IATF kaugnay ng usapin.
Aniya, dapat ilatag ng Simbahang Katolika ang kanilang plano sa pagtiyak na masusunod at maipatutupad ang physical distancing sakaling payagan na ang mga aktibidad sa simbahan.
Una nang tinawag ni Manila Auxillary Bishop Broderick Pabillo na hindi makatuwiran at impractical ang ipinatutupad na limitasyon sa mga mass gatherings tulad ng misa sa mga lugar na nasa MECQ at GCQ.