Nananatiling limitado ang pagbiyahe sa mga lugar na nasa ilalim ng modified enhanced community quarantine (MECQ).
Ito ang naging paalala ni Presidential Spokesperson Harry Roque matapos maranasan ang mabigat na daloy ng trapiko sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila at karating lalawigan sa unang araw ng pagpapatupad ng MECQ noong Sabado.
Iginiit ni Roque, tanging essential travels o lubhang mahahalagang pagbiyahe lamang ng mga tinukoy na authorized persons outside residence (APOR) ang pinapayagan sa ilalim ng MECQ.
Hindi pa rin aniya pinahihintulutan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga maituturing na leisure travels tulad ng pagbisita sa mga kaanak o pag-uwi sa probinsiya.
Batay sa guidelines ng IATF, pinapayagan ang pagbiyahe ng manggagawang nagtatrabaho sa mga industriyang maaari nang magbalik operasyon sa mga lugar na nasa ilalim ng MECQ.
Gayundin, mananatiling walang public transportation kaya ipinauubaya na sa mga kumpanya ang pagbibigay ng transportasyon o pansamantalang matutuluyan para sa kanilang mga manggagawa.