Walang nakikitang mali ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagtungo ni Presidential spokesperson Harry Roque sa isang marine-themed park sa Subic, Zambales.
Ito ay sa gitna ng mga umiiral na quarantine protocol sa bansa dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Interior and Local Government Undersecretary Jonathan Malaya, maituturing na awtorisado si Roque na bumiyahe sa Bataan dahil mayroon itong pagmamay-aring agricultural business doon.
Dagdag pa ni Malaya, nasa ilalim na rin ng modified general community quarantine (MGCQ) ang subic nang magpunta aniya roon ang kalihim.
Magugunitang, ipinost mismo ng Ocean Adventure sa kanilang Facebook account ang mga larawan ni Roque kasama ang mga dolphin sa nabanggit na park at habang nakikipag-usap sa ilang mga tao nang walang suot na facemask.