Hinimok ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang publiko na makinig sa mga eksperto at hindi sa mga komedyante hinggil usapin ng bakuna kontra COVID-19.
Inihayag ito ni Roque matapos na maglabas ng saloobin ang mga TV host comedian na sina Vice Ganda at Joey De Leon sa kanyang pahayag na hindi dapat maging mapili ang mga Pilipino sa gagamiting bakuna kontra COVID-19 ng pamahalaan.
Ayon kay Roque, hindi tamang ikumpara ang bakuna sa sabong panlaba lalo na’t hindi pa gaanong madami ang suplay nito.
Sa katunayan aniya ay nag-aagawan pa ang maraming bansa sa 18% available na suplay ng bakuna kontra COVID-19.
Binigyang diin pa ni Roque na dumaan sa masusing pag-aaral at proseso ng mga eksperto ang mga naturang bakuna na siyang gagamiting batayan ng Food and Drug Administration para magpalabas ng Emergency Use Authorization.