Tiwala si dating Presidential spokesperson Atty. Harry Roque na magiging paborable sa mga biktima ng Maguindanao massacre ang ibabang hatol ng korte hinggil sa kaso.
Ayon kay Roque, kumpiyansa siyang nagawa ng mga prosecutors ang kanilang mga trabaho na patunayang guilty o nagkasala ang mga akusado sa nabanggit na karumaldumal na krimen.
Dagdag ni Roque, naipresenta rin nila sa hukuman ang mga ebidensiya at testimonyang nagpapatunay sa pagkakasangkot ng mga akusado kabilang na ang pamilya Ampatuan.
Kinakatawan ni Roque ang pamilya ng 18 mula sa kabuuang 58 biktima ng Maguindanao massacre.
Inaasahang magbaba na ng hatol sa kaso si Quezon City Judge Jocelyn Solis-Reyes sa Huwebes, Disyembre 19 matapos ang 10 taong paglilitis.