Nanindigan si incoming Presidential Spokesperson Harry Roque na kaniyang itutuloy ang planong pagpapatalsik sa Kongreso ng kanyang kasamahan na si Kabayan Partylist Representative Ron Salo.
Ito ay sa kabila ng pagkakatalaga kay Roque bilang bagong Presidential Spokesperson kapalit ni Undersecretary Ernesto Abella.
Ayon kay Roque, bagama’t hindi na siya uupo bilang isang mambabatas, kanyang iginiit na ang paglabag na ginawa ni Salo ay nangyari habang miyembro pa siya ng mababang kapulungan ng Kongreso.
Dahil dito, hinimok ni Roque ang house ethics committee na agad resolbahin ang anim na reklamo na kanyang inihain laban kay Salo dahil aniya sa mga paglabag nito sa Code of Conduct.
Ang reklamo ni Roque ay nag-ugat sa paggamit umano ni Salo ng pondo ng Kabayan Partylist para siraan siya at patalsikin sa nasabing partylist group at sa Kongreso.