18 lugar sa kalakhang Maynila at karatig na lalawigan na siniserbisyuhan ng Maynilad ang makararanas na ng araw-araw na rotational water service interruption simula ngayong Marso.
Sa ipinalabas na abiso ng Maynilad, kabilang sa mga apektadong lugar ang ilang barangay na sa sakop ng Caloocan, Manila, Makati, Malabon, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City, Valenzuela at Bulacan.
Gayundin ang Cavite City, Bacoor, Noveleta, Imus, Kawit at Rosario sa Cavite.
Sa katunayan, nagsimula na anila ito kaninang 4 a.m. kung saan walang suplay ng tubig ang mga barangay ng Batasan Hills, Commonwealth, Holy Spirit at Payatas sa Quezon City na tatagal naman hanggang mamayang 6 p.m.
Ayon sa Maynilad, may posibilidad na mapilitan silang higpitan, habaan, o iklian ang pagpapatupad ng naka-schedule na water service interruption sa mga susunod na araw.
Ito anila ay depende sa aktuwal na sitwasyon ng nakukuha nilang suplay ng tubig mula Ipo dam.
Kasabay nito, humihingi naman ng paumanhin at pang-unawa ang Maynilad sa lahat ng mga maaapekyuhan ng rotational service interruption.