Nagsimula na kagabi ang rotational water service interruptions ng Manila Water at Maynilad dahil sa patuloy na pagbaba ng antas ng tubig sa Angat at Ipo dam.
Aabot sa hanggang 19 na oras ang service interruptions sa ilang lugar.
Apektado ng daily service interruptions ng Maynilad ang Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Maynila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon City, Valenzuela mga bayan at Lungsod ng Bacoor, Kawit, Imus, Noveleta at Rosario sa Cavite at Meycauayan sa Bulacan.
Sa abiso naman ng Manila Water ang mga apektadong lugar ay Makati, Mandaluyong, Marikina,Maynila, Paranaque, Pasig, Pateros, Quezon City, San Juan, Taguig at mga bayan at lungsod ng Angono, Antipolo, Baras, Binangonan, Cainta, Jala-Jala, Rodriguez, San Mateo, Tagaytay at Teresa sa Rizal.
Sinabi ng 2 water concessionaire na ang service interruptions ay bahagi ng paghahanda para sa summer 2020 sakaling hindi maabot ng Angat dam ang 212 meter level sa katapusan ng taong ito.
Hanggang kahapon ng umaga nasa 185. 87 meters na lamang ang antas ng tubig sa Angat dam, ilang metro na lang ang taas sa normal operating level na 180 meters at malayo sa normal high operating level na 210 meters.
Dahil sa panibagong interruption pinare-review nina Senador Imee Marcos at Bong Go ang concession agreements ng Maynilad at Manila Water lalo na ang apektado ng water interruptions ang mahihirap na pamilya at maliliit na negosyo.