Nagpahayag din ng pagsuporta ang Department of National Defense sa panukalang mandatory Military Service ni Davao City Mayor at Vice Presidential aspirant Sara Duterte-Carpio.
Ayon kay Defense Sec. Delfin Lorenzana, maganda naman ang layunin ng panukala dahil tiyak na darami ang reserve force ng Armed Forces of the Philippines na handang idepensa ang bansa at tumulong sa Disaster at Humanitarian relief.
Magkakaroon din aniya ng pagsasanay ang publiko at mabibigyan ng tamang disiplina at maipauunawa sa kanila ang kahalagahan ng patriotismo o pagmamahal sa bayan gayundin ang pagmamalasakit sa bansa.
Gayunman, aminado ang Kalihim na may kaakibat na hamon ang pagpapatupad ng mandatory military service partikular na ang budget na kakailanganin para sa pagtatayo ng mga pasilidad para sa pagsasanay na isasagawa kada taon.
Kaya kung si Lorenzana ang tatanungin, sinabi nito na sa halip na Mandatory Military Service, mas makatutulong kung gagawing alternatibo ang Reserve Officers Training Course (ROTC) na siyang huhubog sa mga kabataan sa kanilang murang edad para ipagtanggol ang bansa. —sa ulat ni Jaymark Dagala (Patrol 9)